Genesis 49:26-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Ngayon, marami akong pagpapala; labis pa sa kasaganaan noon ng mga sinaunang kaburulan. Nawaʼy matanggap mo ang mga pagpapalang ito, Jose – ikaw na nakakahigit kaysa sa iyong mga kapatid.

27. “Ikaw Benjamin, katulad ka ng asong lobo na sumisila sa umaga ng kanyang nahuli para kainin, at sa gabi ay pinaghahati-hatian ang natirang nasamsam.”

28. Sila ang 12 anak ni Jacob na pinanggalingan ng mga lahi ng Israel. At iyon ang huling habilin ni Jacob sa bawat isa sa kanila.

29. Matapos habilinan ni Jacob ang mga anak niya. Sinabi niya, “Ngayon, sandali na lang at makakasama ko na ang mga kamag-anak ko sa kabilang buhay, ilibing nʼyo ako sa libingan ng aking mga ninuno, doon sa kweba na nasa sa bukid ni Efron na Heteo.

30. Ang bukid na iyon ay nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, na sakop ng Canaan. Binili ng lolo kong si Abraham ang bukid na iyon kay Efron para gawing libingan.

31. Doon siya inilibing pati ang lola kong si Sara at ang mga magulang kong sina Isaac at Rebeka, at doon ko rin inilibing si Lea.

32. Ang bukid at kweba ay binili sa mga Heteo.”

33. Pagkatapos magsalita ni Jacob sa kanyang mga anak, nahiga siya at nalagutan ng hininga. At isinama siya sa kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na.

Genesis 49