1. Pagkatapos, tinawag ni Jacob ang mga anak niya, at sinabi, “Magsiparito kayo dahil sasabihin ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa darating na panahon.
2. “Mga anak, lumapit kayo at makinig sa akin na inyong ama.
3. “Ikaw Reuben, na panganay ko, ang kauna-unahang lalaki kong anak. Mas tanyag ka at mas makapangyarihan kaysa sa iyong mga kapatid.
4. “Pero katulad ka ng kumukulong tubig dahil hindi ka makapagpigil sa iyong pagnanasa, kaya ka sumiping sa aking asawang alipin. Hindi ka na hihigit sa iba.
5. “Kayo, Simeon at Levi na magkakampi, ginagamit ninyo ang inyong armas sa pagmamalupit sa iba.
6. “Hindi ako sasama o dadalo sa pagtitipon ninyo dahil pumapatay kayo ng mga tao kapag galit kayo, at pinipilayan ninyo ang mga toro kapag gusto ninyo.