10. Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.
11. Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, pero ngayon ipinahintulot ng Dios na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”
12. Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at yumukod siya bilang paggalang sa kanyang ama.
13. Pagkatapos, inilapit niyang muli ang mga anak niya sa lolo ng mga ito para mabasbasan sila. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manase ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel.
14. At ipinatong ni Israel ang kanang kamay niya sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manase na siya namang nakatatanda.
15. Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Dios na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, na siya ring Dios na nagbabantay sa akin simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16. At nawaʼy pagpalain din sila ng anghel na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.Nawaʼy maalala ako at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”
17. Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama para ilipat kay Manase,
18. At sinabi, “Ama hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”
19. Pero sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manase ay magiging kilala ring mga bansa. Pero mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.”
20. Kaya ginawa niya si Efraim na nakakahigit kaysa kay Manase. At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito na nagsasabing,“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas. Sasabihin nila, ‘Nawaʼy pagpalain ka ng Dios kagaya nina Efraim at Manase.’ ”
21. Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, pero huwag kayong mag-aalala dahil sasamahan kayo ng Dios at pababalikin kayo sa lupain ng iyong ninuno.