19. Kaya tulungan nʼyo po kami para hindi kami mamatay at hindi mapabayaan ang mga lupain namin. Payag po kami na maging alipin na lang ng hari at mapasakanya ang mga lupain namin para may makain lang kami. Bigyan nʼyo po kami agad ng mga binhi na maitatanim para hindi kami mamatay at hindi namin mapabayaan ang mga lupain namin.”
20. Kaya ipinagbili ng lahat ng taga-Egipto ang mga lupain nila kay Jose dahil matindi na ang taggutom. Binili ni Jose ang lahat ng ito para sa hari, kaya ang mga lupaing iyon ay naging pag-aari ng Faraon.
21. Ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon ang mga tao sa buong Egipto.
22. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose. Hindi nila kailangang ipagbili ang mga lupain nila dahil sinusustentuhan sila ng Faraon ng pagkain at ng mga pangangailangan nila.
23. Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayon na nabili ko na kayo pati ang mga lupain ninyo para sa Faraon, heto ang binhi para makapagtanim kayo.
24. Kapag aani kayo, ibigay ninyo sa Faraon ang 20 porsiyento ng ani ninyo. At sa inyo na ang matitira, para may maitanim kayo at may makain ang buong sambahayan ninyo.”
25. Sinabi ng mga tao, “Ginoo, napakabuti po ninyong amo sa amin; iniligtas nʼyo ang buhay namin. Pumapayag po kami na maging alipin ng Faraon.”
26. Kaya ginawa ni Jose ang kautusan sa lupain ng Egipto na ang 20 porsiyento ng ani ay para sa Faraon. Ang kautusang ito ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi naging pag-aari ng Faraon.
27. Tumira ang mga Israelita sa Goshen na sakop ng Egipto. Nagkaroon sila roon ng lupain at dumami pa ang lahi nila.
28. Tumira si Jacob sa Egipto sa loob ng 17 taon, nabuhay siya hanggang 147 taon.
29. Nang naramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Kung maaari, ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita ko at manumpa ka na ipagpapatuloy mo ang pagpapakita ng iyong kagandahang-loob sa akin. Huwag mo akong ilibing dito sa Egipto.
30. Kapag namatay na ako, ilibing mo ako sa libingan ng aking mga ninuno.”Sumagot si Jose, “Gagawin ko po ang sinasabi ninyo.”
31. Sinabi ni Jacob, “Sumumpa ka sa akin.” Kaya sumumpa si Jose sa kanya. Lumuhod si Jacob sa kanyang higaan para magpasalamat sa Dios.