Genesis 47:1-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkatapos, umalis si Jose at pumunta sa Faraon kasama ang lima sa kanyang kapatid. Sinabi ni Jose sa hari, “Dumating na po ang aking ama at mga kapatid galing sa Canaan, at dala po nila ang mga hayop nila at ang lahat ng kanilang ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.”

2. Ipinakilala niya agad sa Faraon ang lima sa kanyang kapatid.

3. Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”Sumagot sila, “Mga pastol po kami ng hayop, katulad ng mga magulang namin.

4. Pumunta kami rito para pansamantalang manirahan dahil matindi po ang taggutom sa Canaan, at wala na kaming mapagpastulan ng mga hayop namin. Hinihiling po namin sa inyo na kung maaari ay payagan nʼyo kaming manirahan sa Goshen.”

5. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong dumating na ang iyong ama at mga kapatid,

6. nakabukas ang Egipto para sa pamilya ninyo. Patirahin sila sa Goshen, na isa sa magagandang lupain sa Egipto. Kung may mapipili ka sa kanila na mapagkakatiwalaan, gawin silang tagapagbantay ng mga hayop ko.”

7. Dinala ni Jose ang kanyang ama sa Faraon at ipinakilala. Pagkatapos, binasbasan ni Jacob ang Faraon.

8. Tinanong siya ng Faraon, “Ilang taon ka na?”

9. Sumagot siya, “130 taon. Maikli at mahirap po ang naging buhay ko rito sa lupa. Hindi ito umabot sa kahabaan ng buhay ng aking mga ninuno.”

10. Pagkatapos, muli niyang binasbasan ang Faraon, at umalis siya sa harapan ng Faraon.

11. Ayon sa utos ng Faraon, inilagay ni Jose sa ayos ang kanyang ama at mga kapatid sa Egipto; ibinigay niya sa kanila ang lugar ng Rameses, na isa sa pinakamagandang lupain sa Egipto.

12. Sinustentuhan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama ayon sa dami ng kanilang mga anak.

13. Ngayon, malala na ang taggutom kaya wala nang pagkain kahit saan. Nanghina na ang mga tao sa Egipto at sa Canaan dahil sa gutom.

14. Tinipon ni Jose ang lahat ng perang ibinayad ng mga taga-Egipto at taga-Canaan na bumili ng pagkain, at dinala ito sa palasyo ng Faraon.

Genesis 47