Genesis 46:21-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Ang mga anak ni Benjamin:sina Bela, Beker, Ashbel, Gera, Naaman, Ehi, Rosh, Mupim, Hupim at Ard.

22. Sila ang 14 na anak at apo ni Jacob kay Raquel.

23. Ang mga ito ay kasama rin sa Egipto:si Dan at ang anak niyang si Hushim.

24. Si Naftali at ang mga anak niya:sina Jahziel, Guni, Jezer at Shilem.

25. Sila ang pitong anak at apo ni Jacob kay Bilha, ang alipin na ibinigay ni Laban kay Raquel.

26. Ang bilang ng lahat ng anak at apo ni Jacob na pumunta sa Egipto ay 66. Hindi pa kabilang dito ang mga asawa ng kanyang mga anak.

27. Kasama ang dalawang anak ni Jose na ipinanganak sa Egipto, 70 ang kabuuan ng sambahayan ni Jacob na natipon sa Egipto.

28. Nang hindi pa sila nakakarating sa Egipto, inutusan ni Jacob si Juda na maunang pumunta kay Jose para ituro sa kanila ang lugar ng Goshen. Nang dumating na sina Jacob sa Goshen,

29. sumakay si Jose sa karwahe niya at pumunta roon sa Goshen para salubungin ang kanyang ama. Nang magkita sila, niyakap ni Jose ang kanyang ama at tuloy-tuloy ang pag-iyak niya.

30. Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ngayon, handa na akong mamatay dahil nakita na kita ng buhay.”

31. At sinabi ni Jose sa mga kapatid niya at sa buong sambahayan ng kanyang ama, “Aalis ako at sasabihin sa Faraon na narito na ang mga kapatid ko at ang buong sambahayan ng aking ama na nakatira sa Canaan.

32. Sasabihin ko rin sa kanya na nagpapastol kayo ng mga hayop, at dinala ninyo ang mga hayop ninyo at ang lahat ng ari-arian ninyo.

33. Kaya kapag ipinatawag niya kayo at itinanong kung ano ang trabaho ninyo,

34. sabihin nʼyo na nagpapastol kayo ng mga hayop mula pagkabata katulad ng mga magulang ninyo, para patirahin niya kayo sa Goshen. Sapagkat nasusuklam ang mga Egipcio sa mga nagpapastol ng hayop.”

Genesis 46