Genesis 45:9-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon.

10. Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin.

11. Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”

12. Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo.

13. Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”

14. Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose.

15. Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.

16. Nang makarating ang balita sa palasyo ng Faraon na dumating ang mga kapatid ni Jose, natuwa ang Faraon at ang kanyang mga opisyal.

17. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa mga kapatid mo na kargahan nila ng pagkain ang mga hayop nila at bumalik sa lupain ng Canaan.

18. Pagkatapos, dalhin nila rito ang kanilang ama at ang kani-kanilang pamilya, dahil ibibigay ko sa kanila ang pinakamagandang lupain sa Egipto at matitikman nila ang pinakamagandang ani nito.

19. “Sabihin mo rin sa kanila na magdala sila ng mga karwahe mula rito sa Egipto para masakyan ng mga asawaʼt anak nila sa paglipat nila rito. At dalhin nila rito ang kanilang ama.

20. Huwag na silang manghinayang sa mga ari-arian nilang maiiwan dahil ang magagandang bagay sa buong Egipto ay magiging sa kanila.”

21. Ginawa ito ng mga anak ni Jacob. At ayon sa utos ng Faraon, binigyan ni Jose ang mga kapatid niya ng mga karwahe at pinabaunan ng pagkain sa kanilang paglalakbay.

Genesis 45