Genesis 45:7-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Pero sinugo ako rito ng Dios para mailigtas kayo at mapanatili ang marami sa inyo rito sa mundo.

8. “Kaya, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kundi ang Dios. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng buong Egipto.

9. Ngayon, magmadali kayong bumalik sa aking ama at sabihin nʼyo sa kanya na ang anak niyaʼy ginawa ng Dios na tagapamahala ng buong Egipto. At sabihin ninyo sa kanya na pinapapunta ko siya rito sa akin sa lalong madaling panahon.

10. Sabihin nʼyo rin sa kanya na maaari siyang tumira sa lupain ng Goshen kasama ang kanyang mga anak at mga apo, mga hayop, at ang lahat ng ari-arian niya, para malapit siya sa akin.

11. Aalagaan ko siya rito sa Goshen dahil may darating pang limang taon na taggutom. Ayaw kong magutom siya at ang kanyang sambahayan, pati ang kanyang mga hayop.”

12. Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, “Ngayong alam nʼyo na, maging ng kapatid kong si Benjamin, na talagang ako si Jose na nakikipag-usap sa inyo.

13. Sabihin nʼyo sa aking ama ang tungkol sa karangalang nakamit ko rito sa Egipto at ang lahat ng nakita ninyo tungkol sa akin. At dalhin nʼyo siya agad dito sa akin.”

14. Pagkatapos, niyakap ni Jose ang kanyang kapatid na si Benjamin, umiiyak siya habang nakayakap kay Jose.

15. Pagkatapos, pinaghahagkan ni Jose ang lahat ng kapatid niya at patuloy siyang umiiyak sa kanila. Pagkatapos noon ay nakipag-usap sa kanya ang mga kapatid niya.

16. Nang makarating ang balita sa palasyo ng Faraon na dumating ang mga kapatid ni Jose, natuwa ang Faraon at ang kanyang mga opisyal.

Genesis 45