Genesis 44:4-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Hindi pa sila nakakalayo sa lungsod nang sabihin ni Jose sa kanyang tagapamahalang alipin, “Bilis, habulin mo ang mga taong iyon! At kung maabutan mo silaʼy sabihin mo sa kanila, ‘Bakit masama ang iginanti ninyo sa mabuting ipinakita namin sa inyo?

5. Bakit kinuha ninyo ang kopa na iniinuman ng aking amo at ginagamit niya sa panghuhula? Masama ang ginawa ninyong ito.’ ”

6. Naabutan ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid at sinabi niya ito sa kanila.

7. Sinabi nila sa tagapamahalang alipin, “Paano po ninyo nasabi iyan? Imposibleng gawin namin ang bagay na iyan.

8. Alam nʼyo rin na mula sa Canaan ay dinala namin pabalik sa inyo ang perang nakita namin sa aming mga sako. Kaya bakit magnanakaw pa kami ng pilak o ginto sa bahay ng amo ninyo?

9. Kapag nakita nʼyo ang kopa na iyan sa isa sa amin, patayin nʼyo siya at magiging alipin nʼyo kami.”

10. Sinabi ng tagapamahalang alipin, “Sige, Kapag nakita ko ang kopa sa isa sa inyo ay magiging alipin ko siya, at ang matitira sa inyoʼy walang pananagutan.”

11. Kaya nagmadaling ibinaba ng bawat isa ang mga sako nila at binuksan ito.

12. Agad na hinanap ng tagapamahalang alipin ang kopa sa mga sako, magmula sa panganay hanggang sa bunso, at ang kopa ay nakita sa sako ni Benjamin.

13. Nang makita ito ng magkakapatid, pinunit nila ang kanilang mga damit sa sobrang kalungkutan. Muli nilang isinakay sa asno ang mga sako nila at bumalik sa lungsod.

14. Nang dumating si Juda at ang mga kapatid niya sa Egipto, naroon pa rin si Jose sa bahay niya. Pumasok sila sa bahay at lumuhod sa harapan ni Jose.

15. Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano ba itong ginawa ninyo? Hindi nʼyo ba alam na marunong akong manghula? Kaya wala kayong maitatago sa akin.”

16. Sinabi ni Juda, “Mahal na Gobernador, wala na po kaming ikakatuwiran pa sa inyo, at hindi po namin masasabi na hindi kami nagkasala. Ang Dios po ang siyang naghayag ng aming kasalanan. Ngayon, lahat po kami ay alipin na ninyo – kami at ang isa na nakitaan ng kopa.”

17. Pero sinabi ni Jose, “Hindi ko magagawa iyan. Kung kanino lang nakita ang kopa siya lang ang magiging alipin ko. At makakauwi na kayo sa inyong ama nang matiwasay.”

18. Lumapit si Juda kay Jose at sinabi, “Hinihiling ko sa inyo Mahal na Gobernador, na kung maaari, pakinggan nʼyo ako. Huwag sana kayong magalit sa akin, kayo na gaya ng Faraon.

19. Tinanong nʼyo kami noon kung mayroon pa kaming ama at kapatid,

20. at sinagot po namin na may ama pa kami na matanda na, at may bunso kaming kapatid na ipinanganak sa kanyang katandaan. Sinabi po namin na patay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan sa kanilang magkakapatid na buo, at mahal na mahal po siya ng aming ama.

Genesis 44