18. Lumapit si Juda kay Jose at sinabi, “Hinihiling ko sa inyo Mahal na Gobernador, na kung maaari, pakinggan nʼyo ako. Huwag sana kayong magalit sa akin, kayo na gaya ng Faraon.
19. Tinanong nʼyo kami noon kung mayroon pa kaming ama at kapatid,
20. at sinagot po namin na may ama pa kami na matanda na, at may bunso kaming kapatid na ipinanganak sa kanyang katandaan. Sinabi po namin na patay na ang kapatid niya at siya na lang ang naiwan sa kanilang magkakapatid na buo, at mahal na mahal po siya ng aming ama.
21. “Sinabi rin po namin na dadalhin namin siya sa inyo para makita nʼyo rin siya.
22. Sinabi namin sa inyo na hindi maaaring iwanan ng bunsong kapatid namin ang aming ama, dahil baka ang pag-alis ng kanyang anak ang siyang ikamatay niya.
23. Pero sinabi nʼyo po sa amin na huwag kaming magpapakita sa inyo kung hindi namin kasama ang aming bunsong kapatid.
24. Ang lahat ng itoʼy sinabi namin sa aming ama noong umuwi kami.
25. “Hindi nagtagal, sinabi ng aming ama na muli kaming bumalik dito at bumili ng pagkain.
26. Pero sinabi po namin sa kanya na makakaalis lang kami kung kasama namin ang aming bunsong kapatid, dahil hindi kami maaaring magpakita sa inyo kung hindi namin kasama ang bunso namin.
27. “Ito ang isinagot niya sa amin, ‘Alam nʼyo naman na dalawa lang ang anak ko sa asawa kong si Raquel.
28. Ang isaʼy wala na; maaaring niluray-luray siya ng mababangis na hayop. At hanggang ngayoʼy hindi ko pa siya nakikita.
29. Kung kukunin nʼyo pa ang isang ito na naiwan sa akin, at kung may mangyari sa kanya, baka mamatay ako dahil sa sobrang paghihirap ng aking kalooban.’