1. Samantala, inutusan ni Jose ang tagapamahalang alipin sa kanyang bahay. Sinabi niya, “Punuin ninyo ng pagkain ang mga sako ng magkakapatid ayon sa kanilang makakaya, at ilagay sa mga sako nila ang perang ibinayad nila.
2. Ilagay ninyo ang aking kopang pilak sa sako ng bunso kasama ng perang ibinayad niya sa pagkain.” Ginawa ng tagapamahalang alipin niya ang sinabi ni Jose.
3. Kinabukasan, maagang umalis ang magkakapatid na dala-dala ang kanilang sako.
4. Hindi pa sila nakakalayo sa lungsod nang sabihin ni Jose sa kanyang tagapamahalang alipin, “Bilis, habulin mo ang mga taong iyon! At kung maabutan mo silaʼy sabihin mo sa kanila, ‘Bakit masama ang iginanti ninyo sa mabuting ipinakita namin sa inyo?
5. Bakit kinuha ninyo ang kopa na iniinuman ng aking amo at ginagamit niya sa panghuhula? Masama ang ginawa ninyong ito.’ ”
6. Naabutan ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid at sinabi niya ito sa kanila.
7. Sinabi nila sa tagapamahalang alipin, “Paano po ninyo nasabi iyan? Imposibleng gawin namin ang bagay na iyan.
8. Alam nʼyo rin na mula sa Canaan ay dinala namin pabalik sa inyo ang perang nakita namin sa aming mga sako. Kaya bakit magnanakaw pa kami ng pilak o ginto sa bahay ng amo ninyo?
9. Kapag nakita nʼyo ang kopa na iyan sa isa sa amin, patayin nʼyo siya at magiging alipin nʼyo kami.”
10. Sinabi ng tagapamahalang alipin, “Sige, Kapag nakita ko ang kopa sa isa sa inyo ay magiging alipin ko siya, at ang matitira sa inyoʼy walang pananagutan.”
11. Kaya nagmadaling ibinaba ng bawat isa ang mga sako nila at binuksan ito.
12. Agad na hinanap ng tagapamahalang alipin ang kopa sa mga sako, magmula sa panganay hanggang sa bunso, at ang kopa ay nakita sa sako ni Benjamin.
13. Nang makita ito ng magkakapatid, pinunit nila ang kanilang mga damit sa sobrang kalungkutan. Muli nilang isinakay sa asno ang mga sako nila at bumalik sa lungsod.
14. Nang dumating si Juda at ang mga kapatid niya sa Egipto, naroon pa rin si Jose sa bahay niya. Pumasok sila sa bahay at lumuhod sa harapan ni Jose.