20. Sinabi nila, “Ginoo, sandali lang po, may sasabihin lang po kami sa inyo. Pumunta po kami rito noon para bumili ng pagkain.
21. Nang papauwi na po kami, nagpalipas kami ng gabi sa isang lugar. At doon namin binuksan ang mga sako namin at nakita po namin sa loob ang perang ibinayad namin para sa mga pagkain. Narito, ibinabalik na po namin.
22. Nagdala pa po kami ng karagdagang pera para bumili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa mga sako namin.”
23. Sumagot ang tagapamahalang alipin, “Walang anuman iyon, huwag kayong matakot. Ang inyong Dios, na Dios din ng inyong ama, ang siya sigurong naglagay ng perang iyon sa mga sako ninyo. Natanggap ko ang bayad nʼyo noon.” Pagkatapos, dinala niya si Simeon sa kanila.
24. Pinapasok ng tagapamahalang alipin ang magkakapatid sa bahay ni Jose at binigyan ng tubig para makapaghugas sila ng kanilang mga paa. Binigyan din niya ng pagkain ang kanilang mga asno.
25. Inihanda ng magkakapatid ang mga regalo nila kay Jose habang hinihintay nila ang pag-uwi nito. Sapagkat sinabihan sila na doon magtanghalian sa bahay ni Jose.
26. Pagdating ni Jose, yumukod sila sa kanyang harapan bilang paggalang at ibinigay nila ang kanilang mga regalo.
27. Kinamusta sila ni Jose. Pagkatapos, nagtanong din siya, “Kumusta ang ama ninyong matanda na, na binanggit nʼyo noon sa akin? Buhay pa ba siya?”
28. Sumagot sila, “Buhay pa po si ama at mabuti pa naman po siya.” Pagkatapos, yumukod silang muli sa kanya bilang paggalang.
29. Pagkakita ni Jose kay Benjamin na kapatid niyang buo, sinabi niya, “Ito ba ang bunsong kapatid ninyo na ikinuwento nʼyo noon sa akin?” Sinabi niya agad kay Benjamin, “Nawaʼy pagpalain ka ng Dios.”
30. Pagkatapos, mabilis na lumabas si Jose dahil naiiyak na siya sa pangungulila sa kapatid niya. Pumasok siya sa kanyang silid at doon umiyak.
31. Pagkatapos, naghilamos siya at bumalik sa kanila na pinipigil ang kanyang nararamdaman. At nag-utos siya na ihanda na ang pagkain.