Genesis 42:20-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Pagkatapos, dalhin nʼyo rito ang bunsong kapatid ninyo para mapatunayan ko na hindi kayo nagsisinungaling at para hindi ko kayo ipapatay.” At ginawa nila ito.

21. Habang hindi pa sila nakakaalis, sinabi nila sa isaʼt isa, “Mananagot tayo sa ginawa natin sa kapatid natin. Nakita natin ang paghihirap niya nang nagmamakaawa siya sa atin, pero hindi natin siya kinaawaan. Kaya ito ang dahilan kung bakit dumating ang mga paghihirap na ito sa atin.”

22. Sinabi ni Reuben, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo noon na huwag ninyo siyang saktan? Pero hindi kayo nakinig sa akin! Kaya sinisingil na tayo ngayon sa kanyang pagkamatay.”

23. Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang usapan nila dahil habang nakikipag-usap siya sa kanila ay may tagapagpaliwanag siya.

24. Lumayo muna si Jose sa kanila at umiyak. Pero hindi nagtagal, bumalik siya at nakipag-usap sa kanila. Hiniwalay niya si Simeon sa kanila at ipinagapos sa kanilang harapan.

25. Pagkatapos, iniutos ni Jose na punuin ng pagkain ang mga sako ng kanyang mga kapatid at ibalik sa mga sako nila ang kani-kanilang bayad, at pabaunan sila ng kanilang mga pangangailangan sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang iniutos ni Jose.

26. Isinakay agad ng mga kapatid ni Jose ang mga sako nila sa kanilang asno at umalis.

27. Nang nagpalipas sila ng gabi sa isang lugar, isa sa kanila ang nagbukas ng sako niya para pakainin ang kanyang asno. Pagbukas niya, nakita niya roon ang perang ibinayad niya.

28. Sumigaw siya sa kanyang mga kapatid, “Ibinalik ang ibinayad ko! Nandito sa sako ko.”Nanlupaypay silang lahat at kinabahan. Nagtanungan sila, “Ano kaya itong ginawa ng Dios sa atin?”

29. Pagdating nila sa Canaan, sinabi nila sa kanilang amang si Jacob ang lahat ng nangyari sa kanila.

30. Sinabi nila kay Jacob, “Pinagsalitaan po kami ng masasakit ng gobernador ng Egipto at pinagbintangan na mga espiya raw po kami.

31. Pero sinagot po namin siya na hindi kami espiya at nagsasabi kami ng totoo.

32. Sinabi rin po namin na 12 kaming magkakapatid at isa lang ang aming ama. Sinabi rin namin na ang isa naming kapatid ay patay na at ang aming bunsong kapatid ay kasama po ninyo rito sa Canaan.

33. “Pero ito po ang sinabi niya sa amin, ‘Susubukan ko kayo kung totoo ang sinasabi ninyo. Magpaiwan dito ang isa sa inyo at umuwi kayo na may dalang pagkain para sa mga pamilya ninyong nagugutom.

34. Pero dalhin ninyo rito ang bunsong kapatid ninyo para malaman ko na mga tapat kayong tao at hindi kayo espiya. Pagkatapos, ibabalik ko sa inyo ang kapatid ninyong si Simeon, at papayagan ko kayo na pumarooʼt parito sa Egipto.’ ”

Genesis 42