14. Sinabi ni Jose, “Kagaya ng sinabi ko, mga espiya talaga kayo!
15. Pero susubukan ko kayo kung totoo talaga ang mga sinasabi ninyo. Isinusumpa ko sa pangalan ng Faraon na hindi kayo makakaalis dito hanggaʼt hindi ninyo maisasama ang bunsong kapatid nʼyo rito.
16. Pauuwiin ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo. Ang maiiwan sa inyoʼy ikukulong hanggang sa mapatunayan ninyo ang sinasabi ninyo, dahil kung hindi, talagang mga espiya nga kayo!”
17. At ipinakulong niya ang mga ito sa loob ng tatlong araw.
18. Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Iginagalang ko ang Dios, kaya bibigyan ko pa kayo ng pagkakataong mabuhay kung susundin lang ninyo ang iniutos ko sa inyo.
19. Kung nagsasabi kayo ng totoo, magpaiwan dito ang isa sa inyo at makakauwi kayo, at makakapagdala kayo ng pagkain para sa nagugutom ninyong pamilya.
20. Pagkatapos, dalhin nʼyo rito ang bunsong kapatid ninyo para mapatunayan ko na hindi kayo nagsisinungaling at para hindi ko kayo ipapatay.” At ginawa nila ito.
21. Habang hindi pa sila nakakaalis, sinabi nila sa isaʼt isa, “Mananagot tayo sa ginawa natin sa kapatid natin. Nakita natin ang paghihirap niya nang nagmamakaawa siya sa atin, pero hindi natin siya kinaawaan. Kaya ito ang dahilan kung bakit dumating ang mga paghihirap na ito sa atin.”
22. Sinabi ni Reuben, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo noon na huwag ninyo siyang saktan? Pero hindi kayo nakinig sa akin! Kaya sinisingil na tayo ngayon sa kanyang pagkamatay.”
23. Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang usapan nila dahil habang nakikipag-usap siya sa kanila ay may tagapagpaliwanag siya.