Genesis 41:8-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Kinaumagahan, litong-lito ang isip ng Faraon tungkol sa mga panaginip niya, kaya ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero at matatalinong tao sa Egipto. Sinabi niya sa kanila ang mga panaginip niya, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag kung ano ang kahulugan nito.

9. Pagkatapos, lumapit ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at nagsabi, “Naalala ko na po ngayon ang mga kasalanan ko.

10. Hindi po baʼt nagalit kayo noon sa akin at sa pinuno ng mga panadero, at ipinakulong nʼyo po kami sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo?

11. Isang gabi noon, nanaginip kaming dalawa, at magkaiba po ang kahulugan ng panaginip namin.

12. May kasama kami roon na binatang Hebreo, na alipin ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo. Sinabi po namin sa kanya ang panaginip namin at ipinaliwanag niya sa amin ang kahulugan nito.

13. Nagkatotoo ang sinabi niya tungkol sa amin: Pinabalik nʼyo po ako sa trabaho ko at ipinabitin ninyo sa puno ang bangkay ng kasama ko.”

14. Kaya ipinatawag ng Faraon si Jose, at pinalabas siya agad sa bilangguan. Pagkatapos siyang gupitan at ahitan, nagpalit siya ng damit at pumunta sa Faraon.

15. Sinabi ng Faraon sa kanya, “Nanaginip ako pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito. May nagsabi sa akin na marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip.”

16. Sumagot si Jose, “Hindi po ako, Mahal na Hari, kundi ang Dios ang siyang magbibigay ng kahulugan ng mga panaginip ninyo para sa ikabubuti ninyo.”

17. Sinabi ng Faraon ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip ako na nakatayo ako sa pampang ng Ilog Nilo.

18. Biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka, at kumain sila ng damo.

19. Maya-maya paʼy may umahon ding pitong pangit at payat na baka. Wala pa akong nakitang baka sa buong Egipto na ganoon kapangit.

20. Kinain ng mga pangit at payat na baka ang pitong matatabang baka na unang nagsiahon.

21. Pero pagkakain nila, hindi man lang halata na nakakain sila ng ganoon dahil ganoon pa rin sila kapapayat. At bigla akong nagising.

22. “Pero nakatulog ulit ako at nanaginip na naman. Nakakita ako ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga.

Genesis 41