14. Kaya ipinatawag ng Faraon si Jose, at pinalabas siya agad sa bilangguan. Pagkatapos siyang gupitan at ahitan, nagpalit siya ng damit at pumunta sa Faraon.
15. Sinabi ng Faraon sa kanya, “Nanaginip ako pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito. May nagsabi sa akin na marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip.”
16. Sumagot si Jose, “Hindi po ako, Mahal na Hari, kundi ang Dios ang siyang magbibigay ng kahulugan ng mga panaginip ninyo para sa ikabubuti ninyo.”
17. Sinabi ng Faraon ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip ako na nakatayo ako sa pampang ng Ilog Nilo.
18. Biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka, at kumain sila ng damo.
19. Maya-maya paʼy may umahon ding pitong pangit at payat na baka. Wala pa akong nakitang baka sa buong Egipto na ganoon kapangit.
20. Kinain ng mga pangit at payat na baka ang pitong matatabang baka na unang nagsiahon.
21. Pero pagkakain nila, hindi man lang halata na nakakain sila ng ganoon dahil ganoon pa rin sila kapapayat. At bigla akong nagising.
22. “Pero nakatulog ulit ako at nanaginip na naman. Nakakita ako ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga.
23. At sa sanga ring iyon, sumulpot din ang pitong uhay na payat ang butil at natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan.
24. At kinain ng mga payat na uhay ang pitong matatabang butil na uhay. Sinabi ko na ito sa mga salamangkero, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”
25. Sinabi ni Jose sa Faraon, “Mahal na Hari, ang dalawang panaginip po ninyo ay iisa lang ang kahulugan. Sa pamamagitan ng mga panaginip ninyo, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano ang kanyang gagawin.
26. Ang pitong matatabang baka at pitong matatabang uhay ay parehong pitong taon ang kahulugan.
27. Ang pitong payat at pangit na baka at ang pitong payat na butil na uhay na pinatigas ng mainit na hangin na galing sa silangan ay nangangahulugan po ng pitong taong taggutom.
28. “Gaya po ng sinabi ko sa inyo, Mahal na Faraon, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano po ang kanyang gagawin.