Genesis 41:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkalipas ng dalawang taon, nanaginip ang Faraon na nakatayo siya sa pampang ng Ilog ng Nilo.

2. Sa kanyang panaginip, biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka na kumakain ng damo.

3. Maya-maya paʼy may umahon din na pitong pangit at payat na baka,

4. nilapitan ng pitong pangit at payat na baka ang pitong maganda at matabang baka, at kinain. At nagising agad ang Faraon.

5. Muling nakatulog ang Faraon at nanaginip na naman. Sa kanyang panaginip, nakakita siya ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga.

6. At sa sanga ring iyon, sumulpot ang pitong uhay na payat ang butil na natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan.

7. Kinain agad ng mapapayat na uhay ang pitong matatabang uhay. At nagising agad ang hari. Akala niyaʼy totoo iyon pero panaginip lang pala.

8. Kinaumagahan, litong-lito ang isip ng Faraon tungkol sa mga panaginip niya, kaya ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero at matatalinong tao sa Egipto. Sinabi niya sa kanila ang mga panaginip niya, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag kung ano ang kahulugan nito.

9. Pagkatapos, lumapit ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at nagsabi, “Naalala ko na po ngayon ang mga kasalanan ko.

10. Hindi po baʼt nagalit kayo noon sa akin at sa pinuno ng mga panadero, at ipinakulong nʼyo po kami sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo?

Genesis 41