Genesis 40:1-2-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1-2. Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa Faraon ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero. Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito.

3. Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo.

4. Si Jose ang katiwala ng kapitan ng mga guwardya na nag-aalaga sa kanila. Nagkasama sila nang matagal sa bilangguan.

5. Isang gabi, nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng Faraon habang naroon sila sa bilangguan. Ang bawat isa sa kanila ay magkaiba ang panaginip at magkaiba rin ang kahulugan.

6. Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila.

7. Kaya tinanong niya sila, “Bakit kayo malungkot?”

8. Sumagot sila, “Nanaginip kasi kami pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”Sinabi ni Jose, “Ang Dios ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo.”

9. Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, “Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan

10. at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga.

11. Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari.”

Genesis 40