Genesis 4:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkatapos noon, sumiping si Adan sa asawa niyang si Eva at nagbuntis ito. Nang manganak si Eva, sinabi niya, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, kaya Cain ang ipapangalan ko sa kanya.”

2. At muling nanganak si Eva ng lalaki at Abel ang ipinangalan sa kanya. Nang lumaki na sila, si Abel ay naging pastol ng mga tupa at kambing, at si Cain naman ay naging magsasaka.

3. Isang araw, naghandog si Cain sa Panginoon ng galing sa ani niya.

4. Si Abel naman ay kumuha ng isang panganay sa mga inaalagaan niyang hayop, kinatay ito at inihandog sa Dios ang pinakamagandang bahagi. Natuwa ang Panginoon kay Abel at sa handog nito,

5. pero hindi siya natuwa kay Cain at sa handog nito. At dahil dito, sumimangot si Cain at labis ang kanyang galit.

6. Kaya tinanong siya ng Panginoon, “Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot?

7. Kung mabuti lang ang ginawa mo, maligaya ka sana. Pero mag-ingat ka! Dahil kung hindi mabuti ang ginagawa mo, ang kasalanan ay maghahari sa iyo. Sapagkat ang kasalanan ay katulad ng mabagsik na hayop na nagbabantay sa iyo para tuklawin ka. Kaya kailangang talunin mo ito.”

8. Isang araw, sinabi ni Cain kay Abel, “Halika, pumunta tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel.

9. Pagkatapos, nagtanong ang Panginoon kay Cain, “Nasaan ang kapatid mo?” Sumagot si Cain, “Ewan ko, hindi ko alam kung nasaan siya. Bakit, ako ba ang tagapagbantay niya?”

10. Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Ano ang iyong ginawa? Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya.

Genesis 4