Genesis 38:17-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng kambing mula sa aking mga hayop.”Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin para makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”

18-19. Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Kaya ibinigay iyon ni Juda at sumiping siya kay Tamar. Pagkatapos, umuwi si Tamar, at tinanggal niya ang talukbong sa kanyang mukha at muling isinuot ang damit na pambalo. Dumating ang panahon at nagbuntis siya.

20. Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam para kunin ang mga bagay na ibinigay niya kay Tamar bilang garantiya, pero hindi niya makita si Tamar.

21. Nagtanong si Hira sa mga lalaking taga-Enaim kung nasaan na ang babaeng bayaran, na nakaupo sa tabi ng daan.Ngunit sumagot ang mga tao, “Wala naman kaming nakitang ganoong babae rito.”

22. Kaya bumalik si Hira kay Juda at sinabi, “Hindi ko siya makita. At sinabi ng mga tao na wala naman daw ganoong babae roon.”

23. Sinabi ni Juda, “Hayaan na lang natin na itago niya ang mga ibinigay kong gamit sa kanya, dahil baka pagtawanan pa tayo ng mga tao na naghahanap tayo sa wala. Ganoon pa man, pinahatiran ko naman siya ng mga kambing pero hindi mo naman siya makita roon.”

24. Pagkalipas ng tatlong buwan, nabalitaan ni Juda na ang manugang niyang si Tamar ay nagbebenta ng dangal at nabuntis ito.Kaya sinabi ni Juda, “Dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at sunugin.”

25. Pero nang ilalabas na si Tamar, ipinasabi niya kay Juda, “Narito ang pantatak, panali at pati ang tungkod. Ang may-ari nito ang ama ng sanggol na nasa sinapupunan ko. Kilalanin nʼyo kung kanino ito.”

26. Nakilala ni Juda na kanya ang mga gamit na iyon kaya sinabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Hindi na muling sumiping si Juda kay Tamar.

27. Nang malapit nang manganak si Tamar, nalaman niyang ang sanggol na nasa sinapupunan niya ay kambal.

28. At nang nanganganak na siya, lumabas ang kamay ng isang sanggol. Tinalian ito ng manghihilot ng taling pula para malaman na ito ang unang isinilang.

29. Pero ipinasok ng sanggol ang kamay nito at ang kakambal niya ang unang lumabas. Sinabi ng manghihilot, “Nakipag-unahan kang lumabas.” Kaya pinangalanan ang sanggol na Perez.

30. Pagkatapos, lumabas din ang kakambal na may taling pula sa kamay. At pinangalanan siyang Zera.

Genesis 38