1. Nang panahon ding iyon, humiwalay si Juda sa mga kapatid niya at doon nanirahan kasama ni Hira na taga-Adulam.
2. Doon nakilala ni Juda ang anak ni Shua na taga-Canaan at napangasawa niya ito.
3. Dumating ang panahon, nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan ni Juda ang sanggol na Er.
4. Muli siyang nagbuntis at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Onan.
5. Nagbuntis pa siya at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Shela. Isinilang si Shela sa Kezib.
6. Si Tamar ang napili ni Juda para maging asawa ng kanyang panganay na si Er.
7. Pero si Er ay naging masama sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon.
8. Kaya sinabi ni Juda kay Onan, “Sipingan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan bilang kapatid ng asawa niyang namatay, para sa pamamagitan mo ay magkaroon din ng mga anak ang iyong kapatid.”
9. Pero alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak nila, kaya tuwing magsisiping sila ni Tamar, itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi para hindi siya magkaanak para sa kanyang kapatid.
10. Masama ang ginawa ni Onan sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay din niya ito.
11. Sinabi agad ni Juda kay Tamar na kanyang manugang, “Umuwi ka muna sa iyong ama, at huwag kang mag-asawa hanggang magbinata na si Shela.” Sinabi iyon ni Juda dahil natatakot siya na baka mamatay din si Shela katulad ng mga kapatid niya. Kaya umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12. Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timnah. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.
13. May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timnah para pagupitan doon ang mga tupa nito.
14. Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timnah. Plano niyang dayain si Juda dahil hindi pa rin ibinibigay sa kanya si Shela para maging asawa niya kahit binata na ito.
15-16. Pagkakita ni Juda kay Tamar, hindi niya nakilala na manugang niya ito dahil may talukbong ang mukha nito. Akala niyaʼy isa itong babaeng bayaran. Kaya lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.”Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin kapag sumiping ako sa iyo?”
17. Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng kambing mula sa aking mga hayop.”Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin para makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”
18-19. Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Kaya ibinigay iyon ni Juda at sumiping siya kay Tamar. Pagkatapos, umuwi si Tamar, at tinanggal niya ang talukbong sa kanyang mukha at muling isinuot ang damit na pambalo. Dumating ang panahon at nagbuntis siya.
20. Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam para kunin ang mga bagay na ibinigay niya kay Tamar bilang garantiya, pero hindi niya makita si Tamar.