19. Kaya dahil sa malaking pagmamahal ni Shekem kay Dina, hindi na siya nag-aksaya ng panahon para sundin ang mga sinabi ng mga anak ni Jacob. Si Shekem ang lubos na iginagalang sa sambahayan ng kanyang ama.
20. Pumunta agad sila sa kanyang ama sa pintuan ng lungsod at nagsalita sa mga lalaki sa kanilang lungsod.
21. Sinabi nila, “Palakaibigan ang mga taong ito. Kaya rito na lang natin sila patirahin, at payagan na makapagnegosyo sila kahit saan. Malaki naman ang lupain natin. Maaari tayong makipag-asawa sa mga dalaga nila at makikipag-asawa rin sila sa mga dalaga natin.
22. Pero papayag lang sila na manirahan dito kasama natin bilang isang bayan kung papayag ang lahat ng kalalakihan natin na magpatuli kagaya nila.
23. Kung dito sila titira, magiging atin din ang lahat ng hayop at ari-arian nila. Kaya pumayag na lang tayo sa mungkahi nila para manirahan sila rito na kasama natin.”
24. Pumayag ang lahat ng kalalakihan ng lungsod sa sinabi ni Hamor at ng anak niyang si Shekem. Kaya nagpatuli ang lahat ng kalalakihan nila.
25. Pagkalipas ng tatlong araw, habang mahapdi pa ang sugat ng mga lalaki, pumasok sa lungsod ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina. Hindi alam ng mga tao roon na masama pala ang pakay nila. May dala silang mga espada at pinagpapatay nila ang lahat ng lalaki.
26. Pinatay din nila si Hamor at ang anak niyang si Shekem. Kinuha rin nila si Dina sa bahay ni Shekem, at umalis.
27. Pagkatapos, pinasok din ng iba pang anak ni Jacob ang lungsod at kinuha ang mga ari-arian dito. Ginawa nila ito dahil dinungisan ang pagkababae ng kapatid nilang si Dina.
28. Kinuha nila ang mga tupa, baka, asno at ang lahat ng ari-arian doon sa lungsod at bukirin.
29. Sinamsam nila ang lahat ng kayamanan ng lungsod, pati ang mga ari-arian sa loob ng mga bahay. At binihag nila ang lahat ng babae at bata.
30. Ngayon, sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng malaking problema. Magkikimkim ng galit sa atin ang mga Cananeo at mga Perezeo sa lupaing ito. Mamamatay tayong lahat kung magkakaisa silang lusubin tayo dahil kaunti lang tayo.”