Genesis 34:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Isang araw, umalis si Dina na anak na dalaga nina Jacob at Lea. Binisita niya ang mga dalagang taga-Canaan.

2. Nakita siya ni Shekem na anak ni Hamor na Hiveo, na pinuno sa lugar na iyon. Sinunggaban niya si Dina at pinagsamantalahan.

3. Pero nahulog ang loob niya kay Dina at nagustuhan niya ito, kaya sinuyo niya ang dalaga.

4. Sinabi ni Shekem sa ama niyang si Hamor, “Ama, gawan nʼyo po ng paraan para mapangasawa ko ang dalagang ito.”

5. Nang malaman ni Jacob na dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, hindi muna siya kumibo dahil naroon pa sa bukid ang mga anak niyang lalaki na nagbabantay ng kanyang mga hayop.

6. Pumunta ang ama ni Shekem na si Hamor kay Jacob para makipag-usap.

7. Nang mabalitaan ng mga anak ni Jacob ang nangyari, umuwi sila agad mula sa bukid. Sumama ang loob nila at labis na nagalit kay Shekem dahil sa ginawa niyang hindi nararapat, na nagdala ng kahihiyan sa pamilya ni Jacob.

8. Pero sinabi ni Hamor sa kanila, “Nabighani ang anak kong si Shekem sa dalaga ninyo, kaya nakikiusap akong payagan ninyong mapangasawa siya ng anak ko.

9. At maganda rin na hayaan nating mapangasawa ng mga dalaga ninyo ang mga binata namin at mapangasawa rin ng mga dalaga namin ang mga binata ninyo.

10. Maaari kayong manirahang kasama namin kahit saang lugar ninyo gustuhin. Maaari rin kayong magnegosyo kahit saan at magmay-ari ng lupain dito.”

11. Nakiusap din si Shekem sa ama at sa mga kapatid ni Dina, “Kung maaari po ay mapangasawa ko si Dina na kapatid ninyo. Ibibigay ko po ang kahit anong hilingin ninyo.

Genesis 34