Genesis 31:43-52 Ang Salita ng Dios (ASND)

43. Sumagot si Laban, “Ang mga babaeng iyan ay anak ko at ang mga anak nila ay mga apo ko. At ang mga hayop na iyan ay akin din. Lahat ng nakikita mo ay akin. Pero ngayon, ano pa ang magagawa ko sa mga anak at apo ko?

44. Ang mabuti siguro, gumawa tayo ng kasunduan. Magtayo tayo ng batong magpapaalala sa atin at magpapatunay ng kasunduan natin.”

45. Kaya kumuha si Jacob ng malaking bato at itinayo niya ito bilang alaala.

46. Pagkatapos, inutusan niya ang mga kamag-anak niya na magtumpok ng mga bato. At kumain sila roon sa tinumpok na mga bato.

47. Pinangalanan ni Laban ang tinumpok na mga bato na Jegar Sahaduta. Pero pinangalanan ito ni Jacob na Galeed.

48. Sinabi ni Laban, “Ang mga batong ito na tinumpok ang magpapatunay sa kasunduan nating dalawa.” Ito ang dahilan kung bakit pinangalanan itong tinumpok sa Galeed.

49. Tinawag din iyon na Mizpa, dahil sinabi pa ni Laban, “Nawaʼy ingatan tayo ng Panginoon sa ating paghihiwalay.

50. At kung hindi mabuti ang pakikitungo mo sa mga anak ko, o kayaʼy mag-aasawa ka pa ng iba, alalahanin mo na kahit hindi ko man ito nalalaman, ang Dios ang magpapatunay ng kasunduan natin.”

51. Muli pang sinabi ni Laban kay Jacob, “Narito ang tinumpok na mga bato at ang bato na alaalang magpapatunay ng kasunduan natin.

52. Ang mga tinumpok na batong ito at ang bato na alaala ang siyang magpapatunay ng ating kasunduan na hindi ako lalampas sa tinumpok na mga batong ito para lusubin ka, at hindi ka rin lalampas sa tinumpok na mga batong ito at sa bato na alaala para lusubin ako.

Genesis 31