24. Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Laban na Arameo sa panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Huwag mong gagawan ng masama si Jacob.”
25. Nagtatayo noon si Jacob ng tolda niya sa bundok ng Gilead nang maabutan siya ni Laban. At doon din nagtayo sina Laban ng mga tolda nila.
26. Sinabi ni Laban kay Jacob, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Bakit mo ako niloko? At dinala mo ang mga anak ko na parang mga bihag sa labanan.
27. Bakit niloko mo ako at umalis nang hindi nagpapaalam sa akin? Kung nagsabi ka lang, paglalakbayin pa sana kita nang may kagalakan sa pamamagitan ng tugtugan ng tamburin at alpa.
28. Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang mga apo ko at mga anak bago sila umalis. Hindi maganda itong ginawa mo.
29. May dahilan ako para gawan ka ng masama, kaya lang binalaan ako kagabi ng Dios ng iyong ama na huwag kitang gagawan ng masama.
30. Alam kong sabik na sabik ka nang umuwi. Pero bakit ninakaw mo ang mga dios ko?”
31. Sumagot si Jacob sa kanya, “Hindi ako nagpaalam sa iyo dahil natatakot ako na baka pilitin nʼyong bawiin sa akin ang mga anak mo.
32. Pero kung tungkol sa mga nawawala ninyong dios-diosan, kapag nakita nʼyo ito sa kahit sino sa amin, parurusahan siya ng kamatayan. Sa harapan ng mga kamag-anak natin bilang mga saksi, tingnan nʼyo kung may pag-aari po kayo rito na nasa amin, at kung mayroon ay kunin nʼyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel pala ang kumuha ng mga dios-diosan ni Laban.
33. Kaya hinanap ni Laban ang mga dios-diosan niya sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at pati sa tolda ng dalawang aliping babae na mga asawa ni Jacob. Pero hindi niya nakita ang mga ito. Paglabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel.