Genesis 31:10-17-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Sinabi pa ni Jacob, “Nang panahon ng pagkakastahan ng mga hayop, nanaginip ako. Nakita ko na ang mga lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik.

11. Sa panaginip ko tinawag ako ng anghel ng Dios. Sinabi niya, ‘Jacob!’ Sumagot ako sa kanya, ‘Narito po ako.’

12. At sinabi niya, ‘Masdan mo ang lahat ng lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. Ginawa ko ito dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban.

13. Ako ang Dios na nagpakita sa iyo roon sa Betel, sa lupain kung saan binuhusan mo ng langis ang bato na itinayo mo bilang alaala. At doon ka rin nangako sa akin. Ngayon maghanda ka at umalis sa lugar na ito, at bumalik sa lugar kung saan ka isinilang.’ ”

14. Sumagot si Raquel at si Lea kay Jacob, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama.

15. Ibang tao na kami sa paningin niya. Ipinagbili na kami at naubos na niya ang perang pinagbilhan namin.

16. Ang lahat ng yaman na binawi sa kanya ng Dios at ibinigay na sa iyo ay maituturing namin na mamanahin namin at ng aming mga anak. Kaya gawin mo ang sinabi sa iyo ng Dios.”

17-18. Naghanda agad si Jacob para bumalik sa Canaan, sa lupain ng ama niyang si Isaac. Pinasakay niya ang mga anak niya at mga asawa sa mga kamelyo. Dinala niya ang mga hayop niya at ang lahat ng ari-arian niya na naipon niya sa Padan Aram.

Genesis 31