Genesis 30:12-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob.

13. Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.

14. Anihan ng trigo noon, pumunta si Reuben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”

15. Pero sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”

16. Mag-aagaw dilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid, sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Kailangang sa akin ka sumiping ngayong gabi, dahil binayaran na kita kay Raquel ng mandragora na dala ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.

17. Sinagot ng Dios ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob.

18. Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Dios dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.

19. Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob.

20. Sinabi niya, “Binigyan ako ng Dios ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.

21. Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.

22. Hindi rin kinalimutan ng Dios si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya.

23. Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Dios ang aking kahihiyan.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose dahil sinabi niya,

24. “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”

25. Pagkatapos na ipanganak ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan nʼyo akong makauwi sa lugar namin.

26. Ibigay nʼyo sa akin ang mga asawa ko, na ipinaglingkod ko sa inyo, at ang mga anak ko, dahil babalik na ako sa amin. Nalalaman nʼyo kung paano ako naglingkod sa inyo.”

27. Sumagot si Laban, “Kung maaari huwag muna. Ayon sa pagpapahula ko, nalaman ko na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.

Genesis 30