Genesis 29:6-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Nagpatuloy sa pagtatanong si Jacob, “Kumusta na ba siya?”Sumagot sila, “Mabuti naman. Tingnan mo, paparating ang anak niyang si Raquel dito kasama ang kanilang mga tupa.”

7. Sinabi ni Jacob sa kanila, “Napakaaga pa at hindi pa oras para ipunin ang mga tupa, mabuti sigurong painumin ninyo sila at muling ipastol.”

8. Sumagot sila, “Hindi namin iyan magagawa kung hindi muna maiipon ang lahat ng tupa. Kung nandito na ang lahat, doon pa lamang namin pagugulungin ang takip na bato para silaʼy painumin.”

9. Nagsasalita pa si Jacob sa kanila nang dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kanyang ama, dahil siya ang nagbabantay sa mga ito.

10. Pagkakita ni Jacob kay Raquel na anak ng tiyuhin niyang si Laban, na kasama ang mga tupa, pumunta siya sa balon at pinagulong ang bato at pinainom ang mga tupa ng tiyuhin niyang si Laban.

11. Pagkatapos, hinagkan niya si Raquel at napaiyak siya sa tuwa.

12. Sinabi niya kay Raquel, “Anak ako ni Rebeka, kaya pamangkin ako ng iyong ama.” Patakbong umuwi si Raquel at sinabi sa kanyang ama.

13. Nang marinig ni Laban na nariyan si Jacob na pamangkin niya kay Rebeka, agad niya itong sinalubong. Hinagkan niya si Jacob at dinala sa bahay niya. At doon sinabi ni Jacob kay Laban ang lahat ng nangyari.

14. Sinabi ni Laban sa kanya, “Tunay na magkadugo tayo.”Pagkalipas ng isang buwan na pananatili ni Jacob kina Laban,

15. sinabi ni Laban sa kanya, “Hindi mabuti na magtrabaho ka para sa akin na walang bayad dahil pamangkin kita. Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo.”

16. May dalawang anak na dalaga si Laban. Si Lea ang panganay at si Raquel ang nakababatang kapatid.

17. Mapupungay ang mata ni Lea, pero mas maganda ang hubog ng katawan ni Raquel.

18. Dahil may gusto si Jacob kay Raquel, sinabi niya kay Laban, “Maglilingkod po ako sa inyo ng pitong taon kung ibibigay nʼyo sa akin ang kamay ni Raquel.”

19. Sumagot si Laban, “Mas mabuti pang ikaw ang mapangasawa niya kaysa sa ibang lalaki. Manatili ka na lang dito.”

20. Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon para mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon.

21. Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel para magsama na kami.”

22. Pumayag si Laban, kaya nagdaos siya ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon.

Genesis 29