Genesis 29:17-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Mapupungay ang mata ni Lea, pero mas maganda ang hubog ng katawan ni Raquel.

18. Dahil may gusto si Jacob kay Raquel, sinabi niya kay Laban, “Maglilingkod po ako sa inyo ng pitong taon kung ibibigay nʼyo sa akin ang kamay ni Raquel.”

19. Sumagot si Laban, “Mas mabuti pang ikaw ang mapangasawa niya kaysa sa ibang lalaki. Manatili ka na lang dito.”

20. Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon para mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon.

21. Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel para magsama na kami.”

22. Pumayag si Laban, kaya nagdaos siya ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon.

23. Pero kinagabihan, sa halip na si Raquel ang dalhin ni Laban kay Jacob, si Lea ang dinala niya. At sumiping si Jacob kay Lea.

24. (Ibinigay ni Laban kay Lea ang alipin niyang babae na si Zilpa para maging alipin nito.)

Genesis 29