Genesis 27:31-46 Ang Salita ng Dios (ASND)

31. Nagluto rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan po ninyo ako.”

32. Nagtanong si Isaac sa kanya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak.”

33. Nang marinig ito ni Isaac, nanginig siya at sinabi, “Sino kaya ang unang nangaso at nagdala rito sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kainin iyon nang dumating ka. Ibinigay ko na sa kanya ang aking basbas at hindi ko na iyon mababawi.”

34. Pagkarinig nito ni Esau, umiyak siya nang labis. Sinabi niya, “Ama, basbasan nʼyo rin po ako!”

35. Pero sumagot si Isaac, “Niloko ako ng nakababatang kapatid mo at nakuha na niya ang basbas ko na para sana sa iyo.”

36. Sinabi ni Esau, “Pangalawang beses na ito na niloko niya ako. Kaya pala Jacob ang pangalan niya. Kinuha na niya ang karapatan ko bilang panganay at ngayon, kinuha pa niya ang basbas na para sa akin.” Pagkatapos, nagtanong siya, “Ama, wala na po bang natitirang basbas na para sa akin?”

37. Sumagot si Isaac, “Ginawa ko na siya na maging iyong amo at ginawa ko rin ang lahat ng kamag-anak niya na maging mga alipin niya. Ibinigay ko na sa kanya ang saganang pagkain at inumin. Kaya ano pa ang maibibigay ko para sa iyo anak?”

38. Nagmakaawa pa si Esau sa kanyang ama, “Ama, wala na po bang kahit isang basbas? Basbasan nʼyo rin po ako.” At patuloy ang kanyang paghagulgol.

39. Sinabi ni Isaac sa kanya,“Hindi aani ng sagana ang lupaing titirhan mo,at palagi itong walang hamog na biyaya ng Dios.

40. Palagi kang makikipaglaban,at maglilingkod ka sa iyong kapatid.Pero kung lalaban ka sa kanya,makakalaya ka sa kanyang kapangyarihan.”

41. Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”

42. Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo.

43. Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban.

44. Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya,

45. at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”

46. Ngayon, sinabi ni Rebeka kay Isaac, “Nagsasawa na ako sa buhay ko dahil sa mga asawang Heteo ni Esau. Kung ang magiging asawa ni Jacob ay taga-rito rin lang na isang babaeng Heteo mabuti pang mamatay na lang ako.”

Genesis 27