Genesis 26:4-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Pararamihin ko ang mga lahi mo na kasindami ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa kanila ang lahat ng lupaing ito. At sa pamamagitan nila, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.

5. Gagawin ko ito dahil sumunod si Abraham sa akin, tinupad niya ang lahat ng aking kautusan at katuruan.”

6. Kaya roon nanirahan si Isaac sa Gerar.

7. Kapag may nagtatanong kay Isaac na taga-Gerar tungkol sa kanyang asawa, sinasabi niyang kapatid niya si Rebeka. Maganda si Rebeka, kaya natatakot siyang sabihing asawa niya ito dahil baka siyaʼy patayin nila para makuha si Rebeka.

8. Matagal-tagal na ang pananatili nina Isaac doon sa Gerar. At isang araw, nagkataon na dumungaw sa bintana si Abimelec na hari ng mga Filisteo at nakita niyang naglalambingan sina Isaac at Rebeka.

9. Kaya ipinatawag niya si Isaac at sinabi, “Asawa mo pala siya? Bakit sinabi mo na kapatid mo siya?”Sumagot si Isaac, “Natatakot po kasi ako na baka patayin ninyo ako dahil sa kanya.”

10. Sinabi ni Abimelec, “Hindi mabuti ang ginawa mo sa amin. Kung nangyaring ang isa sa tauhan koʼy sumiping sa kanya, ikaw ang magiging dahilan ng pagkakasala namin.”

11. Binalaan agad ni Abimelec ang lahat ng tao. Sinabi niya, “Ang sinumang gagawa ng masama sa lalaking ito o sa asawa niya ay papatayin.”

12. Nang taon ding iyon nagtanim si Isaac sa lugar na iyon at masaganang-masagana ang kanyang ani, dahil pinagpala siya ng Panginoon.

13. Nagpatuloy ang pag-unlad niya hanggang sa yumaman siya nang husto.

14. Nainggit sa kanya ang mga Filisteo dahil marami na ang kanyang tupa, kambing, baka at alipin.

15. Sa inggit nila kay Isaac, tinabunan nila ng lupa ang mga balon na hinukay noon ng mga alipin ng ama niyang si Abraham.

16. Ngayon, sinabi ni Abimelec kay Isaac, “Umalis ka na rito, dahil mas makapangyarihan ka na kaysa sa amin.”

17. Kaya umalis si Isaac, at nagpatayo ng tolda niya sa Lambak ng Gerar at doon na nanirahan.

18. Ipinahukay niyang muli ang mga balon ng ama niyang si Abraham dahil tinabunan ito ng mga Filisteo nang mamatay si Abraham. Pinangalanan ni Isaac ang mga balon ng dati ring pangalan na ibinigay noon ni Abraham.

19. Doon sa lambak, naghukay ng bagong balon ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo sila ng bukal.

Genesis 26