Genesis 26:23-35 Ang Salita ng Dios (ASND)

23. Hindi nagtagal, umalis si Isaac sa lugar na iyon at pumunta sa Beersheba.

24. Nang gabing dumating siya, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios ng iyong ama na si Abraham. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako. Pagpapalain kita at bibigyan ng maraming lahi dahil kay Abraham na aking lingkod.”

25. Kaya gumawa ng altar si Isaac at sumamba sa Panginoon. Nagpatayo siya ng tolda sa lugar na iyon at nagpahukay ng balon sa kanyang mga alipin.

26. Pumunta si Abimelec kay Isaac mula sa Gerar kasama si Ahuzat na tagapayo niya at si Picol na pinuno ng kanyang mga sundalo.

27. Nagtanong si Isaac sa kanila, “Bakit kayo pumunta rito? Hindi baʼt galit kayo sa akin kaya pinaalis nʼyo ako sa lugar ninyo?”

28. Sumagot sila, “Napatunayan namin na ang Panginoon ay kasama mo, kaya naisip namin na dapat tayong gumawa ng kasunduan na may panata. Ipangako mo sa amin

29. na hindi mo kami gagawan ng masama, dahil hindi ka rin namin ginawan ng masama nang naroon ka pa sa amin. Inaruga ka namin nang mabuti at pinaalis ka namin nang matiwasay. Ngayon, nawaʼy pagpalain ka pa ng Panginoon.”

30. Kaya nagpahanda si Isaac para sa kanila at nagsikain sila at nag-inuman.

31. Kinabukasan, maaga silang nanumpa sa isaʼt isa. Pagkatapos, naghiwalay sila nang matiwasay.

32. Sa araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at ibinalita sa kanya na may tubig ang balong hinukay nila.

33. Pinangalanan ni Isaac ang balon na iyon na Shiba. Kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Beersheba.

34. Nang 40 taong gulang na si Esau, napangasawa niya si Judit na anak ni Beeri na Heteo. Naging asawa rin niya si Basemat na anak ni Elon na Heteo rin.

35. Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay ng kalungkutan kina Isaac at Rebeka.

Genesis 26