1. Dumating ang taggutom sa lugar na tinitirhan ni Isaac, bukod pa ito sa taggutom na nangyari noong panahon ni Abraham. Kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo sa Gerar.
2. Nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto, manatili ka sa lugar na ituturo ko sa iyo.
3. Dito ka lang muna manirahan dahil sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lahat ng lupaing ito. Tutuparin ko ang ipinangako ko sa iyong amang si Abraham.
4. Pararamihin ko ang mga lahi mo na kasindami ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa kanila ang lahat ng lupaing ito. At sa pamamagitan nila, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.
5. Gagawin ko ito dahil sumunod si Abraham sa akin, tinupad niya ang lahat ng aking kautusan at katuruan.”
6. Kaya roon nanirahan si Isaac sa Gerar.
7. Kapag may nagtatanong kay Isaac na taga-Gerar tungkol sa kanyang asawa, sinasabi niyang kapatid niya si Rebeka. Maganda si Rebeka, kaya natatakot siyang sabihing asawa niya ito dahil baka siyaʼy patayin nila para makuha si Rebeka.
8. Matagal-tagal na ang pananatili nina Isaac doon sa Gerar. At isang araw, nagkataon na dumungaw sa bintana si Abimelec na hari ng mga Filisteo at nakita niyang naglalambingan sina Isaac at Rebeka.
9. Kaya ipinatawag niya si Isaac at sinabi, “Asawa mo pala siya? Bakit sinabi mo na kapatid mo siya?”Sumagot si Isaac, “Natatakot po kasi ako na baka patayin ninyo ako dahil sa kanya.”
10. Sinabi ni Abimelec, “Hindi mabuti ang ginawa mo sa amin. Kung nangyaring ang isa sa tauhan koʼy sumiping sa kanya, ikaw ang magiging dahilan ng pagkakasala namin.”
11. Binalaan agad ni Abimelec ang lahat ng tao. Sinabi niya, “Ang sinumang gagawa ng masama sa lalaking ito o sa asawa niya ay papatayin.”