Genesis 25:26-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kapatid, kaya pinangalanan nila siyang Jacob. Si Isaac ay 60 taong gulang nang manganak si Rebeka ng kambal.

27. Nang lumaki na ang dalawang sanggol, naging maliksing mangangaso si Esau at palagi lang siya sa bukid habang si Jacob naman ay tahimik na tao at palaging nasa loob ng mga tolda.

28. Mas nagustuhan ni Isaac si Esau dahil mahilig siyang kumain ng mga ipinangaso ni Esau, pero si Jacob naman ay mas nagustuhan ni Rebeka.

29. Isang araw, habang nagluluto si Jacob ng sabaw, dumating si Esau galing sa pangangaso na gutom na gutom.

30. Sinabi niya kay Jacob, “Pakiusap, bigyan mo nga ako ng niluluto mong mapula-pulang sabaw dahil gutom na gutom na ako.” (Kaya tinatawag din si Esau na Edom.)

31. Pero sumagot si Jacob, “Bibigyan kita nito kung ibibigay mo sa akin ang karapatan mo bilang panganay.”

32. Sinabi ni Esau, “Sige, ano bang gagawin ko sa karapatan na iyan kung mamamatay din lang ako sa gutom.”

33. Sumagot si Jacob, “Kung ganoon, sumumpa ka muna sa akin,” Kaya sumumpa si Esau na mapupunta kay Jacob ang karapatan niya bilang panganay.

34. Binigyan agad siya ni Jacob ng tinapay at sabaw. Pagkatapos niyang kumain at uminom, umalis siya agad. Dahil sa ginawang iyon ni Esau, binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay.

Genesis 25