55. Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”
56. Pero sinabi ng alipin, “Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko.”
57. Sumagot sila, “Tawagin muna natin si Rebeka at tanungin kung ano ang pasya niya.”
58. Kaya tinawag nila si Rebeka at tinanong, “Gusto mo bang sumama sa kanya ngayon?”Sumagot si Rebeka, “Oo, sasama ako.”
59. Kaya ipinasama nila si Rebeka pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito.
60. Binasbasan nila si Rebeka sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,“Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo ang maraming lahi.Nawaʼy talunin ng mga lahi mo ang kanilang mga kaaway.”
61. Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeka at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.
62. Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negev at kararating lang galing sa Beer Lahai Roi.
63. Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit.
64. Nang makita ni Rebeka si Isaac, bumaba siya sa kanyang kamelyo
65. at nagtanong sa alipin ni Abraham, “Sino ang taong iyon na naglalakad sa bukid papalapit sa atin?”Sumagot ang alipin, “Siya ang aking amo na si Isaac.” Kaya tinakpan ni Rebeka ang kanyang mukha ng belo.
66. Sinabi ng alipin kay Isaac ang lahat ng ginawa niya.
67. Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa toldang tinitirhan noon ng kanyang inang si Sara. Naging asawa niya si Rebeka at mahal na mahal niya ito. Kaya naibsan ang kalungkutan ni Isaac na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.