51. Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.”
52. Pagkarinig noon ng alipin, yumukod siya at sumamba sa Dios.
53. Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeka. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeka.
54. Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, “Uuwi na ako sa amo ko.”
55. Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”
56. Pero sinabi ng alipin, “Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko.”
57. Sumagot sila, “Tawagin muna natin si Rebeka at tanungin kung ano ang pasya niya.”
58. Kaya tinawag nila si Rebeka at tinanong, “Gusto mo bang sumama sa kanya ngayon?”Sumagot si Rebeka, “Oo, sasama ako.”
59. Kaya ipinasama nila si Rebeka pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito.
60. Binasbasan nila si Rebeka sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,“Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo ang maraming lahi.Nawaʼy talunin ng mga lahi mo ang kanilang mga kaaway.”
61. Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeka at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.
62. Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negev at kararating lang galing sa Beer Lahai Roi.
63. Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit.