46. “Ibinaba niya agad ang banga mula sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Sige, uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo.’ Kaya uminom ako at pinainom din niya ang mga kamelyo ko.
47. “Pagkatapos, tinanong ko siya kung kanino siyang anak. Sumagot siya, ‘Kay Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca.’ At nilagyan ko ng singsing ang ilong niya at sinuotan ng mga pulseras ang kanyang braso.
48. Yumukod ako agad at sumamba sa Panginoon. Nagpuri ako sa Panginoon, ang Dios ng amo kong si Abraham. Siya ang gumagabay sa akin sa tamang lugar, kung saan nakita ko ang anak ng kamag-anak ng aking amo para maging asawa ng kanyang anak.
49. “Ngayon, gusto kong malaman kung ibibigay nʼyo na maging asawa ni Isaac si Rebeka bilang pagpapakita ng kabutihan nʼyo sa aking amo. Sabihin nʼyo na po agad para malaman ko rin kung ano ang gagawin ko.”
50. Sumagot sina Laban at Betuel, “Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi.
51. Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.”
52. Pagkarinig noon ng alipin, yumukod siya at sumamba sa Dios.
53. Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeka. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeka.
54. Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, “Uuwi na ako sa amo ko.”
55. Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”