12. Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.”
13. Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak.
14. Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang Panginoon.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng Panginoon may inilalaan siya.”
15. Muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham mula sa langit.
16-17. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak. Bibigyan kita ng mga lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway.
18. At sa pamamagitan ng iyong mga lahi, pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”
19. Pagkatapos nito, binalikan nila Abraham at Isaac ang kanilang mga alipin. At bumalik sila sa Beersheba at doon na nanirahan.
20. Pagkalipas ng ilang panahon, nabalitaan ni Abraham na ang kapatid niyang si Nahor ay may mga anak kay Milca:
21. Si Uz ang panganay, sumunod sina Buz, Kemuel (ang ama ni Aram),
22. Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Betuel.
23. Silang walo ay ang mga anak ni Nahor kay Milca. Si Betuel ang ama ni Rebeka.
24. May mga anak din si Nahor sa isa pa niyang asawa na si Reuma. Silaʼy sina Teba, Gaham, Tahas at Maaca.