13. At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.”
14. Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta.
15. Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy
16. at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.”
17. Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo.
18. Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.”
19. Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak.
20-21. Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.
22. Nang panahong iyon, pumunta si Abimelec kay Abraham kasama ang kumander ng mga sundalo niya na si Picol. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Tinutulungan ka talaga ng Dios sa lahat ng ginagawa mo.
23. Kaya, mangako ka rito sa pangalan ng Dios na hindi mo ako pagtataksilan pati na ang aking mga lahi. Ipakita mo ang kabutihan mo sa akin at sa lugar na ito na tinitirhan mo ngayon, tulad din ng ipinakita kong kabutihan sa iyo.”
24. Sumagot si Abraham, “Isinusumpa ko.”
25. Pero dumaing si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon na inagaw ng mga alipin niya.
26. Sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa niyan. Hindi mo naman ako sinabihan, at ngayon ko lang nalaman iyon.”
27. Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka, at ibinigay niya kay Abimelec. Pagkatapos, gumawa silang dalawa ng kasunduan.