Genesis 2:2-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw.

3. Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat.

4. Ito ang salaysay tungkol sa paglikha ng Dios sa kalangitan at sa mundo.Nang likhain ng Panginoong Dios ang mundo at ang kalangitan,

5. wala pang tanim sa mundo at wala pang binhi ng anumang halaman ang nabubuhay, dahil hindi pa siya nagpapaulan at wala pang tao na mag-aalaga ng lupa.

6. Pero kahit wala pang ulan, ang mga bukal sa mundo ang siyang bumabasa sa lupa.

7. Nilikha ng Panginoong Dios ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang.

8. Pagkatapos, nilikha rin ng Panginoong Dios ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya.

9. At pinatubo ng Panginoong Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.

10. Sa Eden ay may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog.

11. Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto.

12. Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling bato na onix.

13. Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cush.

14. Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.

15. Pinatira ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito.

16. At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan,

Genesis 2