9. Pero sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin. Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan para gibain ito,
10. pero binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan.
11. Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas para hindi na nila makita ang pintuan.
12. Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito,
13. dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito na puro kasamaan ang ginagawa. Kaya ipinadala niya kami para lipulin ang lungsod na ito.”
14. Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Pero hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.
15. Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.”
16. Hindi pa sana aalis si Lot. Pero dahil naaawa ang Panginoon sa kanila, hinawakan sila ng mga anghel sa kamay at dinala palabas ng lungsod.
17. Nang nasa labas na sila ng lungsod, sinabi ng Panginoon, “Tumakbo kayo! Huwag kayong lilingon, o hihinto sa kahit saan dito sa kapatagan! Tumakbo kayo papunta sa bundok para hindi kayo mamatay!”
18. Pero sumagot si Lot, “Panginoon ko, huwag nʼyo na po akong patakbuhin papunta sa bundok.
19. Kinahabagan nʼyo po ako at ipinakita ang kabutihan nʼyo sa akin sa pagliligtas ninyo sa buhay ko. Pero napakalayo po ng bundok; baka maabutan ako ng sakuna at mamatay ako bago makarating doon.
20. Nakita nʼyo po ba ang maliit na bayang iyon sa unahan? Tiyak na mararating ko po iyon dahil malapit lang. Maaari po bang doon na lang ako pumunta sa maliit na bayang iyon para maligtas ako?”
21. Sumagot ang Panginoon, “Oo, payag ako sa kahilingan mo; hindi ko lilipulin ang bayan na iyon.