Genesis 19:4-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Nang mahihiga na sila para matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodom, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot.

5. Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”

6. Lumabas si Lot ng bahay para harapin sila. Nang lumabas siya, isinara niya agad ang pintuan.

7. Sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong gagawin ang iniisip ninyong masama.

8. Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Pero huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan.”

9. Pero sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin. Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan para gibain ito,

10. pero binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan.

11. Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas para hindi na nila makita ang pintuan.

Genesis 19