Genesis 18:8-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.

9. Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.”

10. Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham.

11. (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.)

12. Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”

13. Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’

14. May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”

15. Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”

16. Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodom.

17. Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko itatago kay Abraham ang gagawin ko.

18. Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa.

19. Pinili ko siya para ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.”

20. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Maraming tao ang dumadaing doon sa Sodom at Gomora, dahil sobrang sama na ng lugar na iyon.

21. Kaya pupunta ako roon para malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao roon.”

Genesis 18