Genesis 17:6-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari.

7. Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, na patuloy akong magiging Dios ninyo. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman.

8. Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Pero ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Dios ninyo.”

9. Sinabi pa niya kay Abraham, “Ingatan mo ang kasunduan nating ito, at ganoon din ang dapat gawin ng mga lahi mo sa susunod pang mga henerasyon.

10. At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki.

11. Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo.

14. Ang sinumang lalaki sa inyo na tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang kasunduan ko.”

15. Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara na ang itatawag mo sa kanya.

16. Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”

17. Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios, pero tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na nasa 100 taong gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa 90 taong gulang na?”

18. Sinabi niya sa Dios, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo rin po ang anak kong si Ishmael.”

19. Sumagot ang Dios, “Ang totoo ay ito: Ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac. Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman.

20. Tungkol naman kay Ishmael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng 12 pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao.

21. Kaya lang, ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac at sa mga lahi niya. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.”

Genesis 17