Genesis 1:15-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Magningning ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo.” At iyon nga ang nangyari.

16. Nilikha ng Dios ang dalawang malaking ilaw: ang pinakamalaki ay magliliwanag kung araw, at ang mas malaki ay magliliwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin.

17-18. Inilagay ng Dios ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo kung araw at gabi, at para ihiwalay ang liwanag sa dilim. At nasiyahan ang Dios sa nakita niya.

19. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaapat na araw.

20. Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang hayop sa tubig at magsilipad ang ibaʼt ibang hayop sa himpapawid.”

21. Kaya nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa tubig, at ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya.

22. At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magpakarami kayo, kayong mga hayop sa tubig at mga hayop na lumilipad.”

23. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.

24. Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng hayop sa lupa: mga hayop na maamo at mailap, malalaki at maliliit.” At iyon nga ang nangyari.

25. Nilikha ng Dios ang lahat ng ito at nasiyahan siya sa nakita niya.

26. Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa lahat ng uri ng hayop: mga lumalangoy, lumilipad, lumalakad at gumagapang.”

27. Kaya nilikha ng Dios ang tao, lalaki at babae ayon sa wangis niya.

Genesis 1