Galacia 2:9-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio.

10. Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.

11. Noong dumating si Pedro sa Antioc, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya.

12. Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga hindi Judio. Pero nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga hindi Judio. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Judiong nagpupumilit na magpatuli ang mga hindi Judio para maligtas.

13. Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Judio ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin.

14. Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga hindi Judio na mamuhay na parang mga Judio? Ikaw nga mismo na isang Judio ay namumuhay na parang hindi Judio.”

15. Kaming mga ipinanganak na Judio ay iba sa mga hindi Judio na itinuturing ng mga kapwa naming Judio na makasalanan.

16. Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kaming mga Judio ay sumampalataya rin kay Cristo Jesus para maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan.

17. Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami sa kagustuhan naming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, masasabi bang si Cristo ang dahilan ng pagiging makasalanan namin? Hindi!

18. Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako.

19. Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios.

20. Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin.

21. Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!

Galacia 2