Filipos 3:12-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako.

13. Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap.

14. Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

15. Tayong malalago sa pananampalataya ay magkaroon sana ng ganitong kaisipan. Pero kung hindi ganito ang pag-iisip nʼyo, ipapaunawa ito sa inyo ng Dios.

16. Ang mahalaga ay patuloy nating sinusunod ang mga katotohanang natutunan na natin.

17. Mga kapatid, tularan nʼyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin.

18. Sapagkat maraming namumuhay na salungat sa aral tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo ang tungkol sa kanila, at naluluha akong ipaalala ulit ito sa inyo ngayon.

19. Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidios nila ang kanilang tiyan. Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay.

20. Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo.

21. Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.

Filipos 3