8. Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9. Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa,
10. para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo.
11. Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
12. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita.
13. Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo.
14. Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita.
15. Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral.