Filipos 1:22-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko.

23. Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti.

24. Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo.

25. Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya.

26. At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.

27. Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita.

28. Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios.

29. Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya.

30. Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.

Filipos 1