1-6. Pagkalipas ng maraming taon, nang si Artaserses ang hari ng Persia, dumating si Ezra sa Jerusalem galing sa Babilonia. Si Ezra ay anak ni Seraya. Si Seraya ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Hilkia. Si Hilkia ay anak ni Shalum. Si Shalum ay anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub. Si Ahitub ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Merayot. Si Merayot ay anak ni Zerahia. Si Zerahia ay anak ni Uzi. Si Uzi ay anak ni Buki. Si Buki ay anak ni Abishua. Si Abishua ay anak ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar. Si Eleazar ay anak ni Aaron na punong pari.Si Ezra ay isang tagapagturo na lubos ang kaalaman sa Kasulatan na ibinigay kay Moises ng Panginoon, ang Dios ng Israel. Ibinigay ng hari ang lahat ng hiniling niya dahil tinutulungan siya ng Panginoon na kanyang Dios.
7. May sumama ring mga Israelita sa kanya nang bumalik siya sa Jerusalem noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. Kabilang sa mga sumama ay ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at mga utusan sa templo.
10. Tinulungan siya ng Dios dahil itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.
11. Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaserses kay Ezra na pari at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:
12. “Ako si Haring Artaserses ang hari ng mga hari. Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.
13. “Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumama sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama.
14. Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Dios, na lubos mong nalalaman.
15. Inuutusan din kita na dalhin mo ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Dios ng Israel na nananahan sa Jerusalem.
16. Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan ng Israel at ng mga pari nila para sa templo ng kanilang Dios sa Jerusalem.